LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang Albay Power and Energy Corporation (APEC) laban sa mga pasaway na indibidwal na iligal na nagbabalik ng suplay ng kuryente sa mga kabahayan na naapektohan ng Bagyong Quinta.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lesly Capuz ng APEC, noong mga nakaraang bagyo, nakumpirma ang modus ng ilang indibidwal na nanghihikayat sa mga residente na magbigay ng P1,500 hanggang P10,000 upang mapabilis ang pagbabalik ng kuryente sa kanilang lugar.
May pagkakataon pa na nagbebenta din ito ng mga power meter pamalit sa nasirang metro ng mga naapektuhan ng bagyo.
Ayon kay Capuz may ilang nasampolan na sa kanilang Oplan Baklas ngayong taon na natanggalan ng suplay ng kuryente matapos na pumasok sa naturang iligal na gawain.
Nagbabala ang opisyal na mapanganib ang ganitong gawain lalo pa’t hindi otorisado ang mga nasa likod ng modus at posibleng magdulot ng sunog at pagkasira ng linya ng kuryente.