Makakatiyak ang mga household consumers sa Luzon na magiging stable na ang power supply kasunod ng inagurasyon ng Mariveles-Hermosa-San Jose (MHSJ) 500 KiloVolt (kV) transmission lines sa Bataan kahapon.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa sandaling maging operational ito, magpapalakas ito ng power transmission services hindi lamang sa rehiyon, kundi maging sa Metro Manila.
Ang nasabing transmission line ay magkukunekta din sa iba pang mga proyekto sa Bataan gaya ng Battery Energy Storage System sa Limay.
Ang Mariveles-Hermosa-San Jose 500 KiloVolt (kV) ay mayruong kabuuang project cost na PhP20.94 billion na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na ipinatupad ng National Grid Corporation of the Philippines (NCGP) mula December 2017 hanggang June 2024.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang proyekto ay nagsasangkot ng higit sa 275.6 na circuit kilometers ng mga overhead lines na sinusuportahan ng halos 395 na mga tore at dalawang bagong substation.
Dagdag pa niya, ang transmission line ay may kabuuang line transmission capacity na 8,000 megawatts (MW).
Ito rin ay magsisilbing vital corridor para sa 5,080 MW at ang karagdagang 2,554 MW ng mga nakatuong power generation projects sa Bataan at Zambales.
Ipinaabot naman ni Pangulong Marcos ang kanyang pasasalamat sa pagsisikap ng NGCP at sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagsasakatuparan ng pangunahing proyekto ng transmission line.
Sinabi ng Pangulo na ang transmission project ay nagpapatunay sa “transformative power” ng pagtutulungan ng publiko at pribadong sektor upang makamit ang isang matatag, maaasahan at sapat na suplay ng kuryente.
Ayon sa Prsidente, makakatulong din ito sa pagsulong ng administrasyon sa paglipat sa renewable energy upang mabawasan ang epekto ng geopolitical uncertainties at climate change.