-- Advertisements --

Ibinilang din ng Chicago Bulls sa kanilang mga biktima ang Denver Nuggets makaraang idispatsa, 114-108.

Muli na namang dinala ni Zach LaVine ang Bulls nang magpakawala ng 36 points upang iposte ang kanilang ika-11 panalo ngayong season.

Si Demar DeRozan ay nagtala naman ng 26 points.

Sa ngayon ang Denver ay napako sa 9-7 na kartada.

Sa ibang games, hindi rin nagpahuli ang Brooklyn Nets nang makalusot laban sa nangungulelat na Orlando Magic, 114-113.

Kinailangang magdoble kayod ang veteran na si James Harden na nagbuhos ng 36 points at 10 rebounds.

Ito ay dahil na rin na hindi nakapaglaro si Kevin Durant na dumaranas ng right shoulder sprain.

Hawak na ngayon ng Brooklyn ang record 12-5, samantalang nasadlak pa lalo sa 4-12 ang Magic.

Samantala, panalo pa rin ang Golden State Warriors kahit hindi naglaro ang kanilang two-time MVP na si Stephen Curry nang itumba ang Detroit Pistons, 105-102.

Pinagpahinga muna si Curry dahil sa dinaranas nitong bruised hip.

Kaugnay nito, inako nina Jordan Poole at Andrew Wiggins ang pangunguna sa opensa para dalhin ang Warriors sa league-leading record na 14-2.

Kumamada si Poole ng season-high na 32 points at si Wiggins na umeksena sa 27.

Lalo namang nabaon ang Piston sa 4-11 win-loss.

Sa kabilang dako, nakalusot naman ang defending champion Milwaukee Bucks sa Oklahoma City Thunder, 96-89.

Tinangka ng Thunder na habulin ang 20 puntos na kalamangan ng Bucks hanggang sa sila ay makalapit.

Pero sa huli kinapos ang Thunder (6-9) nang sumbalay ang huling tira na 3-pointer sa 49 segundo ang nalalabi.

Sa kampo ng Bucks nagtala ng double-double si Giannis Antetokounmpo nang magtapos sa 21 points, 19 rebounds at seven assists para umabanse sa 8-8 record.