Binabantayan ng Philippine Ports Authority ang mga pwerto at pantalan, sa gitna ng kanselasyon ng biyahe ng mga barko dahil sa epekto ng bagyong Enteng.
Ayon sa PPA, regular nang nagsasagawa ng monitoring at pag-iikot sa mga pantalan ang mga personnel nito, kasama ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard(PCG).
Ngayong araw, naghatid din ang ahenisya ng mga pagkain sa mga na-stranded na biyahero mula sa iba’t-ibang mga pwerto at pantalan.
Sa kasalukuyan, maraming mga biyahero ang na-stranded sa mga pantalan dahil sa pagkansela ng biyahe ng mga barko dala ng masungit na panahon, kabilang na ang Port of Bulan sa Sorsogon, Matnog Port, Duran, Tabaco, Masbate, at Virac.
Kanselado rin ang biyahe ng mga barko na patungo sa mga probinsya ng Albay, Camarines Sur, Sorsogon at sa mga isla ng Burias at Ticao.
Tiniyak naman ng PPA ang patuloy nitong pagtutok sa kalagayan ng mga pantalan habang nagpapatuloy ang pagbayo ng bagyo.