-- Advertisements --

Inatasan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga Port Management Office (PMOs) na apektado sa pananalasa ng mga ST Pepito na i-relocate na ang mga stranded passenger sa mga pantalan.

Sa isang memorandum na inilabas ni PPA General Manager Jay Santiago, inatasan nito ang mga PMO na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa paglilipat sa mga stranded na pasahero.

Ayon kay Santiago, mas mainam na mailipat ang mga pasahero sa mas maluwang at mas ligtas na evacuation center.

Mas matututukan din aniya ang kalagayan ng mga ito sa mga evacuation center dahil sa regular na monitoring ng mga local official at mga designated agencies na regular na nagbibigay ng mga supplies.

Hanggang ngayong araw, mayroong 1,769 pasahero, truck driver, at mga cargo helper ang natukoy ng Philippine Coast Guard na stranded sa mga pantalan.

Ayon sa PPA, bagaman nakapagbibigay ang mga port management ng akmang shelter para sa mga stranded na pasahero, kailangan ding sumailalim sa assessment at masinsinang inspection ang mga pantalan kasunod na rin ng magkakasunod na bagyong tumama sa bansa, pangunahin na ang STS Kristine kung saan maraming pasahero ang na-stranded at ilang araw na nanatili sa iba’t-ibang mga pantalan.

Kabilang sa mga pantalan na sumasailalim ngayon sa inspection ay ang mga nasa Northern Luzon, Batangas, Bicol, Quezon, Masbate, Mindoro, Palawan, Panay/Guimaras, Eastern Leyte/Samar, Western Leyte/Biliran, Bohol, Lanao del Norte, at Iligan.

Ang mga naturang pantalan ay nagtamo rin ng ilang mga pinsala tulad ng mga nabasag na gate, bakod, lighting, at mga bubungan.

Dahil sa magkakasunod ang mga bagyong Kristine, Leon, Marce, Nica, at Ofel, naging limitado lamang ang nagawang pagsasa-ayos habang ang mga una nang naayos ay kailangan muling isailalim sa inspection kasunod ng epekto ng mga nagdaang bagyo.