Pinayagan na ng mga awtoridad ang mga passenger vessel na maglayag.
Ito ay kasabay ng pagbuti na ng lagay ng panahon sa maraming lugar sa bansa dahil lumabas na ang bagyong Enteng ngayong araw ng Miyerkules.
Bunsod nito, ayon sa Philippine Ports Authority, wala ng stranded na mga pasahero sa mga pantalan partikular na sa Bicol region at Southern Tagalog kung saan daan-daang pasahero ang inisyal na napaulat na naapektuhan matapos ipagbawal ang paglalagay sa kasagsagan ng hagupit ng bagyo.
Sa isinagawa namang inspeksiyon nitong Martes sa Batangas port, inatasan na ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago ang lahat ng port managers sa mga sinalantang lugar na magsagawa ng mga hakbang para maibalik ang normal na operasyon sa kanilang nasasakupang lugar.
Ilan sa mga hakbang na ito ay ang pagsiguro na lahat ng mga pasilidad kabilang ang libreng water-refilling at charging stations ay gumagana gayundin dapat tiyaking nasa magandang kondisyon ang lahat ng comfort rooms.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang ginagawang assessment ng PPA sa lahat ng pantalan sa bansa kaugnay sa posibleng pinsalang idinulot ng nagdaang bagyo.