Naglaan ang Philippine Ports Authority (PPA) ng P16 billion para sa pagpapalawak at pagsasamoderno sa mga pangunahing port projects ng bansa sa susunod na apat na taon.
Ayon kay PPA general manager Jay Santiago, malaking bahagi ng naturang pondo ay nailaan para sa implementasyon ng 14 na big-ticket port projects ng ahensiya.
Lima mula rito ay nasa Luzon, anim sa Visayas, at tatlo sa Mindanao.
Paliwanag ng ports manager ng bansa na P3.5 billion mula sa taunang P4 billion na pondo nito ang inilalaan para sa mga naturang proyekto kada taon.
Samantala, ang mga proyekto ay kinabibilangan ng Port Capinpin, Currimao Port, Jose Panganiban Port, Bologo Port at Claveria Port sa Luzon.
Sa Visayas, kinabibilangan ito ng Catacbacan Port, Tapal Port, Babatngon Port, Banago Port, at Ormoc Port, kasama ang pagtatayo ng bagong pantalan sa Northern Samar.
Para sa Mindanao, kinabibilangan ito ng konstruksyon ng bagong pantalan sa Dapa, Surigao del Norte para sa mga cargo ship, pag-upgrade sa Port of Sasa; at expansion ng pantalan sa Misamis Occidental.