Kinumpirma ng Philippine Ports Authority na aabot sa 8,000 na puno ang naitanim ng kanilang mga empleyado sa iba’t-ibang pantalan sa bansa.
Ito’y bilang pakikiisa ng ahensya sa paglaban sa Climate Change at bilang pakikibahagi sa “Lingap at Alagang Bayanihan (LAB) for all” sa kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pasado alas 8 ng umaga ng simulan ang sabayang pagtatanim ng mga puno sa paligid ng ilang pantalan sa buong bansa.
Kung maaalala, hindi na ito ang unang pagkakataon na nagtanim ng puno ang PPA.
Alinsunod sa Republic Act No. 9729 o ang “Climate Change Act of 2009”, naglabas ng Administrative Order No. 14-2020 ang PPA na nagmamandato sa mga aplikante at kontraktor na magtanim ng 1,000 na puno o mangrove sa pakikipagtulungan sa Community Environment and Natural Resources Offices ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Una rito ang nabigay rin ng direktiba si Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na magkaroon ng flood-control infrastructure projects matapos ang naging pananalasa ng bagyong Paeng sa pagsisimiula ng taong 2023.
Samantala, maliban sa pagtatanim ng puno ay nagsagawa rin ng feeding program ang PPA sa humigit kumulang 2,500 na mga pasahero at gumagamit ng pantalan mula sa Port Management Offices NCR North at South Harbor sa Luzon, PMO Negros Occidental/ Siquijor sa Visayas, at PMO Zamboanga at Surigao sa Mindanao.
Naniniwala naman ang pamunuan ng Philippine Ports Authority na sa pagtutulungan at bayanihan ng bawat isa sa pantalan sa inisyatiba ng gobyerno, ang pagbangon at pag-unlad ay magiging abot-tanaw.