Pinaghahandaan na ng Philippine Ports Authority ang inaasahang pagdagsaan ng mga bulto-bultong shipment sa mga malalaking pantalan sa bansa sa pagpasok ng kapaskuhan.
Simula Oktubre, ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, inasahang tataas nanaman ang utilization rate o paggamit sa mga pantalan, lalo na sa National Capital Region (NCR).
Mula Oktubre hanggang bago mag-Chinese New Year sa susunod na taon, umaakyat aniya mula 91% hanggang 92% ang utilization rate ng mga pwerto dahil sa maraming shipment o mga kargamentong binibili ng mga importer at mga trader.
Dahil dito, ngayon pa lamang ay inaabisuhan na aniya ng PPA ang mga importer na agahan ang booking sa shipping line at mga supplier upang hindi na maisabay ang bulto-bultong shipment sa mga pantalan bago o sa mismong Disyembre.
Maliban sa mga importer, kailangan din aniyang maging maayos ang schedule para sa paglabas sa mga shipment mula sa mga pantalan gamit ang mga malalaking truck.
Ayon kay Santiago, madalas itong nagdudulot ng mabigat na trapiko sa mga lansangan sa Metro Manila, sa panahon ng kapaskuhan.