Pinakiusapan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga biyahero na nagbabalak magdala ng kanilang mga alagang hayop na huwag kalimutang magdala ng akmang mga dokumento.
Kasabay ng tuloy-tuloy na pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan, lalo na sa mga malalaking daungan sa buong bansa, nagpaalala ang PPA sa mga pasahero na makipag-ugnayan muna sa pinakamalapit na tanggapan ng Bureau of Animal Industry – National Quarantine Services upang makakuha ng mga Shipping Permit.
Ang mga naturang permit ang magiging pasaporte para mapayagang maipasok sa mga pantalan at mga barko ang mga alagang hayop.
Ayon pa sa PPA, mahigpit ang ginagawang pagbabantay kasama ang quarantine services at hindi pinapayagan ang mga hayop na makabiyahe kung walang amkmag mga dokumento.
Ito ay upang maiwasan na rin ang posibleng pagkaka-biyahe ng mga hayop na may sakit na maaaring maka-apekto sa local animal industry o makahawa sa iba pang mga kapwa-hayop.
Kasama rin sa mga requirement ang Veterinary Health Certificate na ibinibigay ng mga beterinaryo.
Pagtitiyak ng PPA, kaisa ito sa pangangalaga sa kaligtasan at kalusugan ng mga hayop, na nais ding ibiyahe ng mga pasahero habang sila ay magbabakasyon sa iba’t-ibang mga lugar.