Plano ng Philippine Ports Authority (PPA) na mag-hire pa ng mas maraming port police officers para mabantayan ang lahat ng mga pantalan sa bansa.
Ito ay kasabay ng gumugulong na expansion projects.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, binuksan na ng ahensiya ang application process para sa mga bagong port police officers at sinimulan na ang pagtanggap sa mga ito.
Giit ni Santiago, malaki ang tungkulin ng mga port police officers sa pagmentene ng kaligtasan, seguridad, at kapayapaan sa mga pantalan sa bansa.
Ang mga ito aniya ang naatasang tumugon sa mga epekto ng kalamidad, iba’t-ibang aksindente o krimen, at anumang banta sa mga pantalan.
Sa kasalukuyan, mayroong 270 aktibong port police officers sa malalaking pantalan sa buong bansa.
Samantala, ang mga nagnanais maging port police officer ay dadaan muna sa mahaba-haba at komprehensibong training kaugnay sa port operations, criminal law, marksmanship, firearms safety, water search and rescue, at iba’t-ibang endurance exercises.
Ang mga aplikante para sa pagiging port police ay kailangang mga Filipino citizens, college graduate, nakapasa sa Civil Service Commission o Professional Regulatory Commission exams, walang dishonorable discharge record mula sa militar, police, at iba pang government agencies, at hindi pa na-convict sa anumang krimen.