-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine Ports Authority (PPA) ang planong pagpapatayo ng tatlong pantalan sa mga probinsya ng Oriental Mindoro, Camiguin, at Dinagat Islands.

Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng P831 million kung saan layon ng PPA na matapos ang proyekto ngayong taong 2025 dahil ‘yan sa nararanasang pagdami ng bilang ng mga pasahero ngayong taon.

Base kasi sa tala ng ahensya mula noong Enero hanggang Setyembre ng nakaraang taon, nakapagtala ang PPA ng 10% na pagtaas sa bilang ng mga pasahero, na halos umabot ng 60.47 million mula sa 54.83 million noong 2023.

Bukod dito ang PPA ay bumubuo rin ng isang master plan upang magtayo ng karagdagang 10 mga bagong pantalan sa buong bansa na layon mapabuti ang connection at suplay sa kalakalan.

Ngayong taon, tinatayang aabot na sa 85.4 milyon ang bilang ng mga pasahero sa mga pantalan kaya kung kung matutupad ang proyekto ng PPA, malalampasan nito ang bilang ng mga pasahero noong 2019 sa kaparehong buwan na umabot sa 83.72 milyon.