Pinaplano ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagtaas ng storage fee sa mga nakatenggang kargamento sa Manila International Container Terminal (MICT).
Dahil dito, itinatakda na ng PPA ang mga serye ng konsultasyon sa mga stakeholders upang mapag-desisyunan ito sa lalong madaling panahon.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, inaabuso na ng maraming negosyante ang storage policy ng PPA at hinahayaan lamang na manatili ang kanilang napakaraming container sa pier.
Ang pagtaas ng storage fee ay inaasahang pipigil sa mga negosyante sa ganitong modus, maliban pa sa dagdag na koleksyon para sa gobierno.
Paliwanag pa ni Santiago, mas pinipili umano ng mga negosyante/importer na panatilihin na lamang muna ang kanilang mga container sa MICT kaysa dalhin ang mga ito sa warehouse matapos ang clearance ng Bureau of Customs.
Ito ay dahil na rin sa aabot lamang sa P600 kada araw ang bayad sa MICT habang sa mga warehouse ay naglalaro ang bayad mula P3,500 hanggang P5,000 kada araw.
Sa kasalukuyan aniya, mayroong mahigit 700 container ang nakatenga lamang sa pier at karamihan ay idineklara bilang mga agricultural commodities.
Posible aniyang sinasadya na rin ito ng mga importer habang hinihintay nila ang pagtaas ng presyo ng mga naturang produkto bago pa ilabas sa merkado.
Ayon kay Santiago, maituturing ito bilang simpleng hoarding, bagay na kailangan na aniyang aksyunan, kasama ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.