Nakauwi na ang lahat ng mga pasahero na unang naitalang stranded sa mga pantalan, kasunod ng naging pananalasa ng bagyong Enteng sa bansa.
Batay sa report na inilabas ng Philippine Ports Authority (PPA) ngayong araw, pinayagan na ang mga passenger vessel na maglayag matapos bumuti ang lagay ng panahon.
Kahapon ay nagsagawa rin ng inspection si PPA General Manager Jay Daniel Santiago sa mga pantalan na unang nakapagtala ng mga stranded passenger.
Pinapatiyak din ng opisyal sa mga port manager na nasa maayos na kondisyon ang mga pwerto at pantalan bago pa man ang resumption ng normal operations.
Kabilang na dito ang maayos at sapat na water-refilling station, functional na charging station, maayos na kundisyon ng mga comfort room, etc.
Pinapatiyak din ng PPA chief na mabigyan ng komportableng serbisyo ang mga pasahero sa kabila ng naging pananalasa ng bagyong Enteng.
Nitong mga nakalipas na araw ay libo-libong mga pasahero ang na-stranded sa mga pantalan matapos ipagbawal pansamantala ang biyahe ng mga passenger vessel dahil sa masungit na panahon.