VIGAN CITY- Walang balak makialam sa personal na isyu ng magkapatid na incumbent Makati Mayor Abby Binay at dating Makati Mayor Junjun Binay ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).
Ito ay may kaugnayan pa rin sa nangyaring bangayan ng magkapatid na Binay sa candidates’ forum na inorganisa ng PPCRV para sa mga local candidates sa Lungsod ng Makati nitong weekend sa San Ildefonso Parish.
Sinabi ni PPCRV board member-spokesman Arwin Serrano sa Bombo Radyo Vigan, na kung ano man ang posibleng personal na isyu ng magkapatid ay labas na sa kanilang organisasyon dahil sinunod lamang nila ang kanilang mga nakalinyang aktibidad na may kaugnayan sa nalalapit na May 13 midterm elections.
Aniya, bahala na ang mga botante na magdesisyon sa kung sino ang kanilang iboboto sa halalan dahil ang pangunahing dahilan naman kung bakit isinagawa ang forum ay upang magabayan sila sa kanilang pagpili.
Una rito, pagkatapos ng paglalahad ni Mayor Abby sa kaniyang plataporma at pagpatutsada sa mga kalaban niya sa posisyon ay nasaksihan ng mga nakibahagi sa forum ang naging sagutan nilang magkapatid kung saan kinailangan pang pumagitna sa kanila ang kanilang ama na si dating Vise President Jejomar Binay.