-- Advertisements --

Hinimok ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting ang mga botante na simulan ng kilatisin ang mga kumakandidato sa papalapit na eleksiyon ngayong taon.

Kung saan, nanawagan ang PPCRV sa publiko na maging mapanuri at ipa-iral ang pagiging matalinong botante sa pagpili ng iboboto sa halalan.

Ayon kay Dr. Arwin Serrano, ang National Coordinator ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting, hiling niyang mag-umpisa na ang mga botante lalo na ang first time voters na pag-aralan kung sino man ang kanilang iboboto lalo pa’t inilabas na ng Commission on Elections ang opisyal na listahan ng mga kandidato sa balota.

Dagdag pa niya, dapat lamang pag-isipan mabuti ng mga botante ang kanilang mapipiling kandidato dahil ang magaganap na eleksiyon ay mahalaga.

Kasabay din nito ang kanyang paalala sa publiko na bigyan ng oras, atensyon at hustong preparasyon ang gagawing pagboto.

Giit niya, hindi dapat bumase ang botante sa tyansang manalo ng isang kandidato at maging sa popularidad ng tumatakbo sa partikular na pampublikong posisyon.

Sa huli, nagbigay ng paanyaya ang naturang national coordinator ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting na sila ay bukas na sa mga nais makabihagi at magsilbi bilang volunteer sa darating na eleksiyon.