Kumpiyansa ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na pagbibigyan sila ng Comelec sa kanilang hiling na magkaroon ng access sa mga audit logs ng transparency server at data mula sa central server ng poll body.
Sinabi ni PPCRV executive director Maribel Buenaobra na sa tingin nila gusto rin naman talaga ng Comelec na magbigay ng paliwanag upang malaman ng publiko na may integridad ang nagdaang halalan.
Kahapon, Mayo 15, sinabi ni PPCRV Chairperson Myla Villanueva na hiniling nila sa poll body na magkaroon sila ng access sa mga computer logs sa mga transparency server upang matukoy kung ano ang dahilan ng 7-hour delay sa release ng results noong Mayo 13.
Ayon kay Villanueva, humingi rin ang PPCRV ng access sa data mula sa central server ng Comelec para may mapag-hambingan sila ng results na na-transmit sa transparency server.
Nabatid na tatlong transmission ang dadaanan ng vote counting machines pagkatapos na magsara ang halalan.