Dalawang araw bago ang halalan sa Mayo 13, muling nagpaalala ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga botante tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin habang bumoboto.
Sinabi ni PPCRV chairperson Myla Villanueva sa panayam ng Bombo Radyo, ilan sa mga hindi dapat gawin ng mga botante ang mag-overvote dahil hindi isasama sa bilang ang mga overvoted na posisyon.
Normal naman umanong bibilangin ang iba pang mga posisyon sa balota kung hindi lalagpas sa itinakdang boto.
Hinimok din ng election watchdog ang mga botante na dapat ay itiman nang buo ang oval ng napili nilang mga kandidato sa balota.
Kung mayroon naman aniyang makikitang mga anomalya at iba pang mga problema sa mismong araw ng eleksyon, lumapit lamang sa mga PPCRV volunteers na nakatalaga sa mga polling centers.
Hinikayat din ng PPCRV ang 2.5-milyong bagong mga botante na huwag sayangin ang kanilang karapatan na bumoto para sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.
Ayon kay Villanueva, hindi na raw dapat pang makibahagi ang mga unang beses na boboto sa talamak na pagbili at pagbebenta ng boto sa Pilipinas.
Samantala, bagama’t mayroon nang mahigit 300,000 volunteers, bukas pa rin umano ang PPCRV sa pagtanggap ng mga indibidwal na nais tumulong sa pagtiyak ng mapayapa at malinis na halalan.
Ani Villanueva, umaasa silang mayroon pang mga mahihikayat ng kanilang hanay opara maglingkod bilang poll watchers at encoders para sa unofficial parallel count sa kanilang command center.