Hinikayat ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang 2.5-milyong bagong mga botante na huwag sayangin ang kanilang karapatan na bumoto para sa nalalapit na halalan sa Mayo 13.
Sinabi ni PPCRV chairperson Myla Villanueva sa panayam ng Bombo Radyo, hindi na raw dapat pang makibahagi ang mga unang beses na boboto sa talamak na pagbili at pagbebenta ng boto sa Pilipinas.
Naging puspusan din aniya ang isinagawa nilang mga programa gaya ng youth campaign upang ipaalala sa mga kabataan ang pagiging sagrado ng kanilang mga boto.
Kasabay nito, hinimok ng opisyal ang mga bagong botante na bumoto sa eleksyon para kanilang mabatid ang kahalagahan ng natatamasa nilang demokrasya.
“Kaya kami sa PPCRV, ang aming voters’ education po ay malimit values ang pinag-uusapan. Matatandaan po natin na 2.5-milyon ang mga bagong botante ngayon.So talagang binuhusan po namin ng sapat na panahon para makausap [ang mga kabataan]. At may youth campaign kami para sabihan din na say no to vote buying at vote selling,” wika ni Villanueva.
Samantala, ilang mga atleta at mga maimpluwensyang kabataan na maraming social media followers ang kinuha ng PPCRV para palakasin ang partisipasyon ng mga kabataan sa eleksyon.
Kabilang sa mga ito ang mga sports celebrities na sina Chris Tiu at Gretchen Ho na inatasang palaganapin ang layunin ng PPCRV na Clean, Honest, Accurate, Meaningful and Peaceful (CHAMP) elections.