Suportado ng election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang plano ng Commission on Elections na magpatupad ng health and safety protocols upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa panahon ng pangangampanya para sa 2022 national elections.
Sa isang pahayag, sinabi ng PPCRV na kung magpasya ang Comelec na limitahan o i-ban ang face-to-face campaigning bilang pag-iingat sa COVID-19, dapat umanong suportahan ng publiko, mga kandidato, partido politikal at gobyerno ang implementasyon nito.
Iminungkahi rin ng PPCRV na dapat makilahok sa mga diskusyon tungkol sa pagpapatupad ng health protocols sa 2022 elections ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) at iba pang kinauukulang ahensya.
Una rito, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ikinokonsidera nila ang pagpapatupad ng ban sa face-to-face campaigning sa darating na halalan.
Gayunman, ayon kay Jimenez, kanila pa raw idudulog sa IATF ang naturang pagbabawal.
Target din aniya ng poll body na magpatupad ng bagong rules and regulations para sa pangangampanya online.