-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Wala umanong nakikitang problema maging sa hanay ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang panukala ni Pangulong Rodrigo Duterte na i-review ang kontrata sa Smartmatic matapos makapagtala ng maraming aberya nitong nakalipas na 2019 midterm elections.

Sa katunayan ayon kay Atty. Cornelia Español, Parish Pastoral Council coordinator ng Bonuan, Boquig sa lungsod ng Dagupan at tumatayo ring coordinator ng PPCRV, wala silang anumang nakikitang masama rito dahil full support sila sa pagkakaroon ng automated elections sa ating bansa na naging malaking tulong sa mabilisang pagbibilang ng mga boto.

Lalo na at maging sila raw ay ikinagulat din ang pagpalya ng maraming mga VCM.

Kuwento pa ni Atty. Español, noong inihatid ang mga machines sa iba’t ibang paaralan, mayroon silang mga representative na nanood kung papaano gagampanan ng mga electoral boards ang kanilang tungkulin.

Wala namang pumalya sa lahat ng mga machines noong araw ding iyon ngunit sa kasamaang palad sa mismong araw na ng eleksyon ay nagkaroon ng aberya.