CENTRAL MINDANAO – Lubos ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan ng Kabacan, Cotabato matapos na dumating ang mga personal protective equipment (PPE) para sa mga frontliner at mga ospital sa bayan.
Ayon kay General Services Officer Mercedes Enanoria, matagal nang na-order ang mga standard PPEs ngunit dahil na rin sa mga lockdown at mga pagkansela ng biyahe ay naunsyami ang pagdating ng nasabing kagamitan.
Aabot sa 150 PPEs, 50 gallons ng alcohol at protective gloves ang dumating.
Agad nagtungo si Kabacan General Services Officer Mercedes Enanoria at si RHU-MESU Honey Joy Cabellon, registered nurse sa mga ospital sa bayan at iniabot ang mga standard personal protective equipment.
Tumanggap ng mga PPEs, alcohol at gloves ang DR. RAM Albutra General Hospital, Deseret Hospital, Anulao Hospital, Kabacan Specialist, at Kabacan Polymedic Cooperative Hospital ng PPEs, alcohol, at gloves.
Kaugnay nito, naniniwala naman si Kabacan Mayor Herlo Guzman, Jr. na sa pagdating ng standard PPEs ay mas maiiwasan ang pagkakaroon ng COVID-19 sa mga frontliner at medical personnel sa bayan.