Isinara muna ng Denver Nuggets ang kanilang mga pasilidad matapos na magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang tatlong kasapi ng traveling party ng koponan.
Sa anunsyo ng team, asymptomatic o wala naman daw sintomas ng deadly virus ang tatlo.
Binubuo ng 35 na miyembro ang traveling party ng Nuggets, na kinabibilangan ng mga player, coaches, at mga staff.
Sa ngayon, hindi pa tukoy kung bubuksang muli ng Denver ang kanilang practice facilities bago tumulak ang koponan patungong Orlando sa Hulyo 8 (Manila time) para sa pagpapatuloy muli ng season.
Nitong nakalipas na linggo nang magtungo nang muli sa kanilang practice facilities ang 22 koponan na lalahok sa season restart sa Hulyo 31.
Kamakailan nang lumabas din ang balita na nagpositibo sa coronavirus si Nuggets star Nikola Jokic habang nananatili ito sa Serbia.
Maging si Denver coach Michael Malone ay umamin din na nagpositibo ito sa nakahahawang virus, na kanya raw nakuha noong Marso. (AP)