-- Advertisements --

Mapapawalang-bisa na ang prangkisa ng mga Public Utility Vehicle na hindi nag-consolidate sa loob ng 1 o 2 linggo matapos ang pinalawig na April 30 deadline ayon sa Department of Transportation.

Nilinaw naman ni Transportation USec. Ferdinand Ortega na hindi pa agad huhulihin ang mga unconsolidated PUV pagkatapos ng deadline.

Aniya, bibigyan sila ng due process ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board kung saan iisyuhan ang mga ito ng show cause order para pagpaliwanagin ang mga ito.

Kayat aabutin aniya ng ilang araw o linggo para masabihan sila na revoke na ang kanilang prangkisa at hindi na maaring pumasada pa.

Hinimok naman ng DOTr official ang mga hindi nag-consolidate na operator at tsuper na huwag ng ipagpilitan pang mamasada sa oras kung wala ng prangkisa.

Nanindigan din ang DOTr na matatapos na ang consolidation ng PUVs ngayong araw at hindi na ito papalawigin pa.