LEGAZPI CITY – Nagbabala ang Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na malapit nang mapatawan ng parusa ang mga mahilig na mag-prank calls sa kanilang 911 emergency hotline.
Sa buwan lamang ng Hulyo lumabas sa tala na nasa 3, 806 prank calls ang natanggap ng 911 command center na mas marami pa kaysa mga lehitimong humihingi ng tulong para sa emergency.
Napag-alaman pa na sa higit 12, 000 na natanggap na tawag ng PDRRMO sa 911 hotline number, 50-60% nito ang prank calls.
Ayon kay Assistant Head ng Sorsogon PDRRMO Pierre Dellosa, hinihintay na lamang ang pormal na pagbaba ng implementing rules and regulations para sa Provincial Ordinance 07-2021 na si Bokal Krunimar Escudero ang author.
Nakapalaman sa ordinansa na mumultahan ng P1,500 ang indibidwal sa first offense at pagkakulong ng hindi bababa sa tatlong buwan; P3,500 at imprisonment ng hindi bababa sa anim na buwan sa 2nd offense at P5, 000 na multa at hanggang isang taon na pagkakulong sa 3rd offense na nakadepende sa discretion ng korte.
Naisumite na rin ang mga contact numbers sa Sorsogon PNP at telecommunication companies na iba-block ang mga ito.
Paalala pa ni Dellosa na lubhang mahalaga ang hotline number na hindi dapat na magamit sa mga biro lang.