KALIBO, Aklan – Sa gitna ng kaliwa’t-kanang mga fake news at prank kaugnay sa 2019 novel coronavirus na naglalayong manakot ng ibang tao, muling umapela si Department of Health Sec. Francisco Duque III na tigilan na ang mga ganitong gawain.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Duque na mas delikado pa ito sa virus dahil sa pangambang idinudulot nito sa ibang tao.
Nabatid na isang prankster na kinilalang si Marlon de Vera ng Purok 2, Barangay Bigaa, Legazpi City, ang inaresto ng mga otoridad matapos magpanggap na biktima ng n-cov at nag-collapse sa entrance ng isang mall.
Sa kabilang dako, nanawagan din ang kalihim na huwag hayaan ang mga malisyosong post sa social media laban sa mga Chinese national.
Hindi aniya makakabuti ngayong panahon ang mga racist remark at diskriminasyon sa mga Chinese dahil tao din sila na may damdamin at hindi nila ginusto na magkaroon ng problema sa n-cov.