DAVAO CITY – Gaganapin ngayong alas-6 ng gabi sa Davao City ang “One Nation, One Opposition,” isang multi-sectoral prayer rally na naglalayong ipanawagan na wakasan na ang signature drive para sa Charter change.
Tinataya ni Davao City Public Safety and Security Office head Angel Sumagaysay na nasa 50,000 katao mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang lalahok sa multi sectoral mass launching at prayer rally ngayong araw na naglalayong iprotesta ang paggamit ng mga programa at pondo ng gobyerno upang hikayatin ang mga botante na lumagda sa mga dokumentong sumusuporta sa pagbabago ng konstitusyon ng bansa.
Ayon sa nabanggit na opisyal magpapatupad sila ng mahigpit na seguridad sa lungsod, plano nilang magtalaga ng 600 hanggang 700 security personnel kabilang ang mga tauhan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na siyang mangangasiwa sa kalinisan ng paligid.
Kaya naman, nanawagan si Davao 3rd District Councilor Conrado Baluran sa buong bansa na makiisa sa prayer rally na pinangunahan ng mga opisyal ng Davao civil society, at concerned citizens.
Binalaan ng City Transport and Traffic Management Office ang mga motorista tungkol sa patuloy na pansamantalang pagsasara ng kalsada mula 10:00 p.m., Biyernes, Enero 26, 2024 hanggang Enero 29, 2024.
Sarado ang San Pedro Street mula Bolton Street hanggang C.M Recto; San Pedro Street mula Bolton extension hanggang Magallanes at Bolton Street mula Rizal Street hanggang San Pedro Street.
Pansamantala ring isinara kagabi mula 8:00 am hanggang January 29 ang Anda Street mula Magallanes Street hanggang Rizal St. at Ponciano St. mula sa Rizal St. patungong San Pedro St.;
San Pedro hanggang Anda hanggang Quirino at Legazpi St. mula Rizal hanggang Magallanes.
Samantala sa Enero 28 mula 1:00 p.m. hanggang 8:00 p.m. isasara ang kalsada sa C.M Recto corner Marco Polo hanggang San Pedro St., at San Pedro extension mula Quezon Boulevard hanggang C.M Recto.
At ang buong kalsada sa Roxas Boulevard ay ipapatupad bilang isang lane sa bahagi ng Aldevinco.
Inaasahang bibisita rin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong.