GENERAL SANTOS CITY – Tiniyak ng GenSan City Police Office (GSCPO) ang mahigpit na pagbabantay sa mga pampublikong lugar sa lungsod para mapigilan ang anumang gulo na dulot ng mga gagawing pagtitipon.
Kahapon ay bigong makapagsagawa ng prayer rally sa Oval Plaza ang mga miyembro ng KAPA Community Ministry International Inc., dahil hindi nakakuha ng permit kahit na kahapon pa ng umaga nagtipon-tipon ang mga ito.
Nalaman din ng Bombo Radyo GenSan na hindi pinayagan ang balak na demonstrasyon na gagawin sana ng grupo sa nabanggit na lugar nitong araw bunsod din na kasabayan ang Independence Day celebration.
May isasagawang programa kasi ang LGU GenSan para sa selebrasyon.
Ngunit batay sa impormasyon lumalabas na binigyan ang grupo ng mayor’s permit para sa prayer rally subalit isasagawa ito sa Acharon Sports Complex bukas June 13, at sa June 14, araw ng Biyernes sa Oval Plaza.
Nabatid na inaasahang bibisita naman bukas sa GenSan si Pangulong Rodrigo Duterte upang mamahagi ng mga land titles sa aabot na 13,000 agrarian reform beneficiaries.
Kasabay nito, tiniyak ng General Santos City Police Office na handa sa pagbabantay ng seguridad ng Pangulo at sa anumang posibleng sasalubong na mga kilos-protesta kaugnay pa rin sa closure order nito laban sa KAPA.
Una rito, isinawalat ng mga KAPA members na kasabay ng prayer rally ay makikiusap sila kay Pangulong Duterte na bawiin ang kaniyang utos.