-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi natuloy ang isa sa itinuturing na pinakamalaking prayer rally sa pangunguna ng 16 na Royal Sultanate ng Lanao at ng iba’t ibang non-government organizations (NGO’s) sa Iligan City.

Sa paglilinaw ni Sultan Ysmael Ali ng Balo-e Lanao del Norte, security reasons ang isa sa mga dahilan sa pagsuspinde ng pulisya sa kanilang tahimik na pagtitipon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ali, inihayag din nito na hindi sila nabigyan ng permit-to-rally ng lokal na pamahalaan ng Iligan.

Aniya, layunin ng nasabing rally ang pag-aalay ng dasal para sa mga biktimang namatay kung saan ang ilan ay hindi pa nakukuha ang kanilang mga bangkay dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.

Sinasabing kahit Ramadan, ramdam pa rin ng iilang Muslims ang takot at galit sa pag-atake ng Maute sa nasabing lungsod.

Una rito, sinabi ni Ali na ito na sana ang pangunahing pagkakataon kung saan magtitipon ang mga Kristiyano at Muslim para sa isasagawang “9 days of silence” para sa mga pumanaw na mga biktima ng terorismo sa Marawi.