BAGUIO CITY – Isasagawa ang isang ecumenical prayer rally mamayang hapon sa People’s Park dito sa City of Pines para sa kaligtasan ni dating PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong at pamilya nito.
Kasunod pa rin ito ng kanyang pag-amin na may mga natatanggap siyang banta sa buhay matapos ng kanyang mga rebelasyon laban kay PNP Chief General Oscar Albayalde at sa mga tinaguriang ninja cops.
Hinihiling na magdala ng kandila ang mga dadalo sa Ecumenical Prayer Rally for Faith and Trust kung saan bukas ito sa lahat ng anumang relihiyon o sekta sa lungsod.
Samantala, sinabi ni Mayor Magalong na nakahanda pa rin itong humarap sa pagdinig ng Senado ukol sa mga ninja cops kung kinakailangan lalo na kung may mga karagdagang rebelasyon mula sa mga konektado sa isyu.
Gayunman, aminado ito na nais niyang matapos na ang imbestigasyon ng Senado sa nasabing kontrobersiya.
Aniya, pagod na siya at nasabi na niya lahat ng kanyang nalalaman maliban pa sa gusto na niyang tutukan ngayon ang Baguio City.
Inihayag pa ni Mayor Magalong na nakatanggap siya ng impormasyon mula sa kanyang kaibigan na nakatanggap din ng impormasyon mula sa isang dating hitman na may isang certain group na pinapakilos kung saan may isang nagngangalang Rommel na pinapakilos at ang target ng mga ito ay ang alkalde ng Baguio.
Gayunman, muling binalaan ni Mayor Magalong ang mga nagbabanta sa kanyang buhay na “all hell will break loose” kung magagalaw ang kanyang pamilya.
Sinabi pa nito na nagdagdag na rin siya ng security sa kanyang pamilya dahil vulnerable ang mga ito.