-- Advertisements --

Nakatakdang ikasa ang panibagong prayer rally sa makasaysayang EDSA Shrine sa katapusan ng Enero 2025.

Ito ay bilang protesta sa pambansang pondo ngayong taon kung saan walang inilaang pondo para sa subsidiya ng Philhealth at sa computerization program ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay retired Supreme Court justice Antonio Carpio, inisyatiba ng clergy for good governance ang ilulunsad na prayer rally kasama ang iba’t ibang civil society groups.

Lalahok din sa rally ang mga grupong sumusuporta sa impeachment complaints laban kay VP Sara Duterte.

Sa isang panayam, iginiit ni Carpio na dapat ayusin ang pondo para ngayong taon at maibalik ang budget sa orihinal na ipinanukala ng Office of the President para sa Philhealth.

Saad pa niya na maaari pa umanong maayos ang pondo sa pamamagitan ng supplemental budget na maaaring gawin anumang oras.

Ang nakatakdang prayer rally sa katapusan ng Enero ay ilang linggo matapos ang idinaraos na peace rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong araw ng Lunes, Enero 13.