Matagumpay na nabakunahan ng mga tauhan ng Philippine Red Cross kontra tigdas ang aabot sa mahigit 11,000 na mga bata mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ginawa ng grupo ang naturang aktibidad kasunod ng mga naitatalang kaso ng measles outbreak sa rehiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni PRC Chairman Richard Gordon na kanilang pinaigting ang bakunahan initiative na ito sa mga batang may edad na anim na buwan hanggang sampung taon.
Layon din ng hakbang na ito na huwag nang kumalat ang sakit sa naturang lugar.
Importante rin aniya na mabatid ng publiko na kailangan ang ganitong mga inisyatiba para malabanan ang sakit at maiwasan ang mga indibidwal na nasasawi dahil dito.
Kasama sa mga lugar na nabakunahan ng PRC ay ang Sulu, Basilan, Tawi-Tawi, Cotabato City, Lanao Del Sur, at Lanao Del Norte.
Tiniyak naman ng PRC na nakahanda ang lahat ng kanilang mga vaccinators at lahat ng kanilang mga assets para magsagawa ng pagbakuna sa mga nangangailangang komunidad.