Nagpapadala na ang Philippine Red Cross (PRC) ng humanitarian caravan sa mga lalawigang pinakamalubhang nasalanta ng Severe Tropical Storm Kristine.
Inatasan nina PRC Chairman and CEO Richard Gordon at Secretary General Dr. Gwen Pang, na parehong namumuno sa operasyon ng PRC sa Pilipinas habang dumadalo sa gitna ng 2024 Statutory Meetings sa Geneva, Switzerland, ang deployment ng mas kinakailangang asset sa Camarines Sur at Albay.
Inihanda naman agad ang mga relief truck para magdala ng mga pagkain at maging ng non-food items tulad ng mga jerry can, hygiene kit, sleeping kit, at kitchen set para sa libu-libong pamilya sa mga evacuation center.
Sinabi rin ni Gordon na mahigpit na binabantayan ng PRC ang paggalaw ng lahar mula sa bulkang Mayon sa Albay sa gitna ng bagyo upang mabilis na malikas ang mga residente sa maaapektuhang lugar.
Mula nang pumasok ang Severe Tropical Storm na si Kristine sa Philippine Area of Responsibility (PAR) noong Oktubre 21, nasa halos 24,000 na ang lumikas sa 234 evacuation centers, karamihan sa Albay at Sorsogon.
Sa panahon ng bagyo, ang mga volunteers ng PRC sa Sorsogon ay nagawang tumawid sa tubig baha hanggang baywang at malalakas na agos upang iligtas ang isang buntis mula sa kanyang tahanan, kung saan siya ay ligtas na dinala sa provincial hospital.
Mayroon ding mga inilikas patungo sa evacuation centers sa Northern Samar, Sorsogon, Negros Occidental, Albay, Southern Leyte, at Western Samar, kung saan nabigyan ang mga ito mh mainit na pagkain, habang 460 katao na rin ang nakatanggap ng psychological first aid sa Sorsogon.