Nag-deploy ang PH Red Cross ng Humanitarian Caravan sa Isabela, Aurora, at Cagayan para sa Bagyong Marce, Nika, at paparating na Ofel
Ipinadala ng Philippine Red Cross (PRC) ang humanitarian caravan sa Isabela, Aurora, at Cagayan bilang pagtugon sa epekto ng Bagyong Nika at ng paparating na Ofel, at palakasin ang mga pagsisikap sa pagbibigay ng mga agarang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kamakailang Bagyong Marce.
Una rito, nagpatawag ng pulong ang PRC Chairman at CEO na si Richard Gordon sa mga executive officer, manager, at local chapter administrators ng PRC para talakayin ang mga karagdagang hakbang sa pagtulong para sa mga komunidad na apektado ni Marce, at magplano ng mga preemptive response upang mapangalagaan ang mga residente sa Cagayan Valley, Ilocos at mga bahagi ng Central Luzon.
Ang caravan ay binubuo ng isang water tanker, dalawang food truck, isang cargo truck na kargahan ng mga relief items, isang 6×6 truck at dalawang service vehicle. Isang PRC emergency response team ang ipapakalat kasama ang 6 x 6 truck, para sa posibleng rescue at clearing assistance.
Bukod dito, dalawang assessment team mula sa PRC Marikina at PRC Valenzuela, dalawang hot meals team mula sa PRC Cavite Chapter at PRC Pasay City Chapter, at isang WASH Team mula sa headquarters ang ipapadala din para tumulong sa mga operasyon sa mga apektadong lalawigan sa rehiyon.
Kasama ang mga sasakyan at man-power, ang caravan ay magdadala rin ng mga kinakailangang bagay tulad ng 2,000 piraso ng tarpaulin upang magsilbing pansamantalang kanlungan ng mga sambahayan na may mga nasirang bubong at dingding, at 1,000 set ng shelter tool kit; lahat ng ito ay ibibigay sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyong Marce at Nika.