-- Advertisements --

Agad na nagpadala si Philippine Red Cross (PRC) Chairman/CEO Richard Gordon ng mga payloader na nakatalaga sa Nueva Vizcaya Chapter ng PRC upang tulungan ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Vizcaya na i-clear ang mga lugar na apektado ng landslide.

Aniya, naiintindihan ng PRC kung gaano kahalaga na maipadala kaagad ang mga payloader para malinisan ang CVR Bayombong-Masoc-Ambaguio Road, kung saan isang lane na lang ang naiwan dahil sa pagguho ng lupa dulot ng malakas na pag-ulan noong isang araw.

Sinabi naman ni PRC Secretary-General, Dr. Gwen Pang, na ang agarang hakbang upang linisin ang mga kalsada ay makatutulong sa mga nagtatanim ng gulay na ilipat ang kanilang mga ani mula sa lalawigan patungo sa Baguio at sa National Capital Region.

Giit ni Dr. Pang, sa pamamagitan ng mga payloader ng PRC, ang mga malalaking bato ay aalisin at ang mga nagtatanim ng gulay ay makakakilos nang mabilis upang maihatid ang kanilang mga ani.
Ang PRC ay may mga amphibian, humvee, payloader, truck, ambulansya, water tanker, motorsiklo at isang barko na lahat ay naka-preposition sa buong bansa upang matiyak ang agarang pagtugon sa anumang kaganapan.