-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Red Cross (PRC) sa publiko laban sa pekeng booking sites at agents na nag-aalok ng swab test.

Sinabi ni PRC chairman at Senator Richard Gordon na may nakarating sa kanilang opisina na impormasyon na may ilang indibidwal na nagpapanggap na empleyado ng PRC.

Hihingan daw nila ng bayad ang mga biktima kung saan idedeposito ito sa sarili nilang bank accounts para makapag-book na ng swab test.

Pahayag pa nito na tanging sa PRC official booking site lamang sila tumatanggap ng appointments.

Nanawagan si Gordon na sakaling may mga lalapit na magpapanggap na empleyado ng Red Cross ay maari silang tumawag sa Red Cross hotline 1158.

Sa kasalukuyan kasi ay nangunguna ang Red Cross sa may pinakamataas na bilang ng COVID-19 RT-PCR test na isinagawa kung saan mayroong 3.5 milyon test na ang kanilang natapos o katumbas ng 25 percent ng nationwide testing.