Nagsagawa ang Philippine Red Cross ng isang Mass Casualty Incident Training at Simulation Exercise sa kanilang Logistics and Training Center sa Subic Bay Freeport Zone sa Olongapo.
Layunin nito na malaman at paghusayin ang kanilang paghahanda sa posibleng pagtama ng pinangangambahang ‘The Big One’ sa ating bansa.
Dito ay nagkaroon ng simulation na may 7.0 magnitude na lindol upang makita ang kakahayahan at kahandaan ng PRC, katuwang ang mga volunteer at staff ng Northern at Central Luzon pagdating sa emergency response at pagtugon sa Mass Casualty Incidents na posibleng dulot ng naturang kalamidad.
Habang ipinunto naman ni Philippine Red Cross CEO Dick Gordon ang kahalagahan ng 4Ps sa isang disaster emergency response.
Ito ay ang pag predict, pagpaplano, paghahanda at pagsasanay lalo na dahil itinuturing na disaster-prone ang Pilipinas.
Bagaman hindi raw kayang alisin o iwasan na mangyari ang nasabing kalamidad sa bansa, kung kaya’t nais ni Gordon na mas paghusayan at ituon na lamang ang ating pansin sa paghahanda upang walang mapinsala kung sakali mang dumating na ito.