CAUAYAN CITY- Hinikayat ng Director ng National Blood Services ng Philippine Red Cross (PRC) ang mga survivor ng COVID-19 na magdonate ng kanilang convalescent plasma.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Cristy Monina Nalupta, Director ng National Blood Services ng PRC na dahil sa dami na ng kinakapitan ng virus ay parami na rin ng parami ang humihingi ng convalescent plasma sa kanilang tanggapan sa Fort Area Manila.
Aniya, araw-araw namang may mga nagtutungo sa kanilang tanggapan para magdonate subalit hindi sila pumapasa lahat.
Kailangan din kasi nilang suriin ang dugo ng gustong magdonate para alamin kung mataas ang level ng na-produced nilang anti bodies laban sa COVID-19.
Kung pumasa at makamit nila ang mga requirement ay saka siya papayagan na magdonate ng plasma.
Sa ngayon ayon kay Dr. Nalupta, mahigit 200 na ang kanilang natulungan para masalinan ng convalescent plasma at halos 300 convalescent plasma na rin ang naisasalin sa mga positibo sa virus.
Aniya, maganda ang convalescent plasma na therapy sa mga malubha ang kalagayan na positibo sa COVID-19 dahil batay sa kanilang monitoring, maganda ang kinahihinatnan ng pagsasalin ng convalescent plasma sa mga nakapitan ng virus.
Dagdag niya na maaring magdonate ng kada dalawang linggo ang mga nakarekober na pasyente.