CENTRAL MINDANAO-Sunod-sunod ang pagsasagawa ng National Irrigation Administration (NIA) Maguindanao Irrigation Management Office (MIMO) ng Pre-Construction Conferences para sa mga proyektong patubig sa ilalim ng Communal Irrigation System (CIS) sa iba’t-ibang bayan ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur sa pagpasok ng buwan ng Marso hanggang sa kasalukuyan.
Ang Pre-Construction Conference na isinagawa ng NIA- MIMO Engineering at Institutional Development Program (IDP) personnel ay naglalayon na maipaintindi sa mga Irrigators Associations (IAs) o mga magsasakang-benepisyaryo ang scheme of development, construction period at mga polisiya patungkol sa Operation and Maintenance (O&M) ng irigasyon na napapaloob sa Memorandum of Agreement (MOA) ng NIA at IA. Ang aktibidad din na ito ay isinasagawa upang malaman ang mga isyu o suliranin ng mga benepisyaro at agarang maresolba ang mga ito bago pa man magsimula ang proyekto.
Samantala, nagkakahalaga ng mahigit 80.3 million pesos ang mga proyektong patubig ang nailaan para sa pagpapatayo ng solar powered pump, at pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga communal irrigation facilities. Sa pagtatapos ng konstruksyon nito, tinatayang may 1,987.23 ektaryang lupain ng palayan ang maiirigahan, at may 744 na magsasaka mula sa pitong (7) Irrigators Associations ang makakabenepisyo ng patubig mula sa bayan ng Talayan at Datu Abdullah Sangki sa lalawigan ng Maguindanao del Sur, at Datu Odin Sinsuat at Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Nagpapasalamat naman ang mga farmer-beneficiaries sa tuloy-tuloy na suporta ng Maguindano IMO sa kanilang mga magsasaka, at makakaasa umano ang ahensya na magiging kaagapay sila sa pagpapabilis ng implementasyon ng nasabing proyekto. Samantala, nagpahayag din ng suporta para sa proyekto ang iba’t-ibang opisyales ng Local Government Units (LGUs) at MAFAR Municipal Officers ng mga nasabing bayan.
Ayon naman kay Engr. Khomeini Oyod, Division Manager ng NIA-MIMO, ang pagsasagawa ng Pre-Construction Conference ay hindi lamang alinsunod sa Memorandum Circular ng ahensya, kundi isa rin itong paraan upang maging transparent ang ahensya sa mga proyektong pinapatupad nito. Aniya, ang Maguindanao IMO ay patuloy na magsisilbi sa mga magsasaka upang mas lalong maiangat ang kanilang pamumuhay at makatulong sa programa ng gobyerno na magkaroon ng sapat na pagkain sa rehiyong BARMM at sa buong bansa.