Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na nagsagawa na ng pre-emptive evacuation ang pamahalaang lokal sa Baggao, Cagayan dahil sa bagyong Maring.
Ayon sa NDDRMC, nasa 72 pamilya o katumbas ng 224 indibidwal ang inilikas na hanggang ngayong araw sa Baggao na kasalukuyang nasa ilalim ng signal No. 2.
Patuloy naman ang evacuation o paglilikas sa iba pang munisipalidad at patuloy ang pangangalap pa ng datos ang NDRRMC hinggil dito.
Samantala, dahil sa sama ng panahon, wala nang suplay ng kuryente sa lahat ng barangays sa Sta Ana, Cagayan.
Suspendido na rin ngayon ang mga klase mula sa pre-school hanggang high school sa pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan.
Patuloy naman ang pag-antabay at koordinasyon ng NDRRMC sa kanilang mga counterpart sa mga rehiyong apektado ng mga bagyo.
Nagbaba na rin ang NDRRMC ng mga gabay at protocol gaya ng pagpalalaganap ng mga abiso at babala sa mga residente; stockpiling; pag-activate ng response clusters; at iba pa sa mga apektadong rehiyon base sa epekto ng mga bagyo.