DAVAO CITY – Nagpatupad agad ng pre-emptive evacuation ang mga personahe ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office ng Nabunturan Davao de Oro sa ilang mga residente matapos ang walang tigil na pag-ulan partikular na sa mga residente ng Barangay Basak at Bukal na sakop sa nasabing lalawigan.
Agad na pinalikas ang mga naninirahan sa flood-prone at landslide-prone areas.
Ayon sa MDRRMO, nasa limang mga barangay sa Nabunturan Davao de Oro ang pinaalalahanan na lumikas na kinabibilangan ng lugar ng San Isidro, Magading, Magsaysay at Basak.
Agad naman na binigyan ng relief goods at hot meals ng mga personahe ng Municipal Social Welfare and Development Office ang mga apektadong residente.
Agad naman na nagpalabas ng kautusan si Mayor Chickay Amatong kung saan suspendido ngayong araw ang pasok sa mga paaralan at opisina ng lokal na pamahalaan ng Davao de Oro dahil parin sa mga pag-ulan dulot ng shear line.
Samantalang pinaalalahanan naman ang motorista na mag-ingat matapos na nakaranas ng pagguho ng lupa ang kalsada ng Purok 16, Km 74, Poblacion, Mawab, Davao de Oro.
Agad naman na nagsagawa ng clearing operations ang mga personahe sa lalawigan ng Mawab.
Maliban sa nasabing lugar, nakaranas rin ng landslide ang Km. 69, national highway ng Tuboran, Mawab kung saan dalawang lane ng kalsada ang apektado.
Nagpapatuloy ang ginagawang clearing operations ng mga personahe ng DPWH, Davao de Oro at municipal disaster office para hindi maapektohan ang mga motorista.
Pinayuhan ng lokal na pamahalaan ng Mawab ang mga dadaan sa lalawigan na mag-doble ingat lalo na at madulas at maputik ngayon ang kalsada sa lugar.