Nagsimula na ngayong araw, Marso 20 ang pre-enrollment ng internet voting para sa mga overseas voters. Ito ay magtatagal hanggang Mayo 7.
Kaugnay nito nagbigay paalala si COMELEC Chairman George Erwin Garcia sa mga registered overseas voters na mag-enroll na. Abiso ng komisyon na makikita ang link ng pre-enrollment sa kanilang official website, Department of Foreign Affairs website at mga official social media accounts ng COMELEC, Philippine Embassies at Consulates.
Paglilinaw ni Garcia na hindi agarang makaboboto ang mga registered overseas voters. Aniya, kailangan muna nilang ibigay ang kanilang biometrics sa link ng pre-enrollments, sunod nito ay ang pag veverify sa mga botante at ang last stage ng pre-enrollment ay bibigyan na ng password ang bawat botante na magagamit sa internet voting.
Naniniwala si Garcia na magiging mataas ang voter’s turnout ngayong halalan sa tulong na rin ng internet voting. Maliban sa sila ay makakaboto ng halos isang buwan, maaari na nilang gawin ang kanilang pagboto sa sarili nilang mga bahay o lugar ng pinagtatrabahuhan.
Samantala, tiniyak naman ni Garcia ang publiko pagdating sa integridad ng mangyayaring internet voting. Aniya, ang Online Voting and Counting System o OVCS ay nasuri na ng mga international certifying body at na-trusted build na kung saan sinuri ang bawat hash codes ng system kaya ginagarantiya niya na magiging ligtas at maayos ang internet voting.
Dagdag pa niya na bagaman ito ay nasuri na, patuloy pa rin nila itong babantayan habang papalapit ang halalan para hindi ma-compromise ang integridad ng naturang system para sa online voting.
Sa mangyayaring pagboto gamit ang internet sa ibang bansa, 77 posts ang makakagamit nito, samantala 17 posts naman ang gagamit pa rin ng automated counting machines sa kanilang mga embahada.