LAOAG CITY – Pormal ng binuksan ang Pre-National Qualifying Meet ng Palarong Pambansa dito sa Ilocos Norte.
Mainit na sinalubong ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang mahigit-kumulang isang libong atleta mula sa rehiyon uno, dos, tres at Cordillera Administrative region na maglalaban-laban sa mga iba’t-ibang larangan ng laro.
Sa kanyang naging talumpati, siniguro ni Gov. Manotoc ang kaligtasan ng lahat ng mga manlalaro habang narito sila sa probinsya.
Kaugnay nito, sinabi ni Mr. Eric Aguilar, Sports Coordinator ng Deparment of Education – Ilocos Norte, ang mga top 2 sa bawat team events ay kwalipikado sa Palarong Pambansa habang ang mga mananalo sa individual events ay pasok na agad sa nasabing kompetisyon na magaganap sa Hulyo 29 hanggang Agosto 5 sa Marikina City.
Aniya, isasagawa ang mga laro tulad ng basketball sa Laoag City Ampitheater, Centennial Arena at Laoag City Gymnasium. Ang baseball ay sa Bacarra Comprehensive High School. Futsal sa Sarrat Civic Center. Sepak Takraw sa San Nicolas Amphi-Theater. Football sa Northwestern University.
Softball sa Bacarra National Comprehensive High School habang ang volleyball naman ay sa Divine Word College of Laoag.
Bukod dito, dumalo rin sa nasabing event si Ilocos Norte 1st District Rep. at Presidential Son Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos III kung saan malugod niyang binati ang lahat ng mga delegado.
Ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na magiging host ang Ilocos Norte para sa Pre-National Qualifying Meet ng Palarong Pambansa.
Samantala, simula ngayong araw Hulyo 18 magsisimula na ang laban hanggang sa Hulyo 21.