VIGAN CITY – Matagumpay umanong naisagawa ang pre-tournament activity bilang paghahanda para sa 30th Southeast Asian Games na isasagawa sa bansa sa susunod na buwan.
Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa New Clark City, Capas, Tarlac noong October 26 hanggang 27 na nilahokan ng mga napiling national technical official at piling mga atleta sa larangan ng athletics.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ng isa sa mga napiling national technical official na si Ronel Ubaldo na principal ng Salomague Elementary School sa Cabugao, Ilocos Sur.
Ayon kay Ubaldo, masasabi umano nilang naging matagumpay ang nasabing pre-tournament activity kahit na kulang ang mga equipments na kanilang ginamit.
Aniya, naghanap na lamang umano sila ng paraan upang maisagawa ng matagumpay ang aktibidad dahil kailangan umano ito upang makita ng mga international technical official kung mayroon silang natutunan sa dalawang linggong seminar-training na kanilang isinagawa.