Siniguro ng Department of Education (DepEd) na tinututukan nila nang husto ang kalusugan ng mga student-athletes na lalahok sa Palarong Pambansa 2019 sa lungsod ng Davao.
Ito’y sa gitna na rin ng nararanasang El Niño phenomenon sa bansa na maaaring magdulot ng iba’t ibang mga sakit.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay DepEd Undersecretary at Palaro 2019 Secretary-General Revsee Escobedo, inatasan nito ang organizing committee na doblehin ang kanilang pangangasiwa sa usapin ng kalusugan.
Mayroon din aniyang mga komite na sumusuri sa kalidad ng tubig na gagamitin ng mga atleta, maging sa lugar na paglulutuan ng mga ihahandang pagkain.
Paliwanag pa ni Escobedo, magpapakalat sila ng mga medical personnel upang tiyaking makakaiwas ang mga estudyante sa food poisoning.
Binilinan na rin aniya nila ang mga regional delegation na dapat ay panatilihing hydrated ang mga atleta upang makaiwas sa dehydration at heatstroke.
Noong nakaraang linggo nang mabiktima ng food poisoning ang mahigit 60 atleta ng delegado ng lalawigan ng Biliran sa Eastern Visayas Regional Athletic Association (EVRAA) meet.