-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Nagpatupad na ng preemptive evacuation sa ilang bayan sa lambak ng Cagayan dahil sa epekto ng tropical storm “Florita.”

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Michael Conag, tagapagsalita ng Office of Civil Defence (OCD) Region 2 na simula kahapon ay naitala ang mga pagbaha sa ilang mga barangay partikular sa bayan ng Baggao, Gattaran, at Abulug.

Nasa 75 pamilya o katumbas ng mahigit 200 katao na ang inilikas mula kagabi hanggang kaninang madaling araw mula sa Brgy Taytay at Bagunut sa bayan ng Baggao, Cagayan dahil sa tubig-baha at banta ng pagguho ng lupa.

Sa bayan ng Gonzaga ay 52 pamilya o 203 indibidwal ang inilikas sa Brgy Casitan at Pateng habang isang pamilya ang sapilitang inilikas sa Brgy Namuac, Sanchez Mira.

Labing-limang pamilya o 75 katao naman ang inilikas sa Poblacion Sta Fe, Nueva Vizcaya na prone sa baha at landslide.

Kahapon din ay halos hanggang tuhod ang lebel ng tubig-baha na pumasok sa mga silid-aralan sa Libertad National High School sa Abulug, Cagayan dahilan upang suspendihin ang pasok ng mga mag-aaral.

Hindi naman kinaya ng waterways ang malaking volume ng tubig mula sa bundok kaya umapaw at nagdulot ng pagbaha ang bahagi ng lansangan ng Brgy. Zone 1 PiƱa Weste, Gattaran, Cagayan na agad namang nag-subside.

Isang tulay naman sa Zone 5, Nangalinan, Baggao ang hindi madaanan simula kahapon dahil sa pagguho ng lupa.

Bukod sa deployment ng mga local DRRMOs, sinabi ni Conag na tumutulong na rin sa mga LGUs ang Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Armed Forces of the Phillipines.

Sa ngayon ay nananatiling nakabukas ang isang gate sa Magat dam, Isabela na may taas na kalahating metro.

Muli namang nagpaalala ang OCD sa publiko na makinig at sumunod sa mga otoridad upang maiwasan ang anumang trahedya.