-- Advertisements --

Inilipat ang preliminary investigation sa kasong qualified human trafficking case ni Cassandra Li Ong sa Nobiyembre 18.

Inisyal na itinakda ang naturang pagdinig ngayong araw, Nobiyembre 5 subalit ayon sa legal counsel ni Ong na si Atty. Raphael Andrada, hindi present ang mga testigo sa supplemental complaint ng PNP-CIDG sa halip ay ni-reset na lamang ng panel of prosecutors ang pagsusumite ng supplemental complaint sa Nov. 18.

Una na ngang naghain ang PNP-CIDG ng karagdagang complaint-affidavits laban kay Ong na authorized representative ng sinalakay na Lucky South 99.

Sa kampo naman ni Ong, sinabi ni Atty. Andrada na hindi pa sila maghahain ng counter-affidavit dahil kanila pang pag-aaralan ang supplemental complaint ng PNP-CIDG.

Kasalukuyang nakadetine si Ong sa Correctional Institute for Women in Mandaluyong City at nahaharap sa qualified human trafficking charges kasama ang 51 iba pang indibidwal para sa umano’y pagkakasangkot sa operasyon ng Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.

Noong Oktubre 28, nagsumite ng supplemental complaint ang PNP-CIDG at PAOCC sa DOJ para isama si Presidential spokesperson Harry Roque at 2 iba pa sa listahan ng mga respondent sa human trafficking case.