-- Advertisements --

Ni-reset ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation kaugnay ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.

Nagka-isyu kasi ang subpoena na inilabas ng DoJ sa suspendidong Bureau of Corrections (BuCor) Director General na si Gerald Bantag.

Ayon kay Atty. Rocky Balisong, abogado ni Bantag, ito ay dahil sa umano’y maling “middlename” kaya na-reset ang preliminary investigation sa December 5, 2022.

Sa panayam ng mga mamamahayag kay Atty. Balisong, hindi dumalo ang kanyang kliyente na si Bantag dahil maling detalye sa subpoena na naunang inilabas.

Ang middlename na nakasaad sa ipinadalang subpoena ay “Soriano” sa halip na “Quitalig.”

Lumalabas daw tuloy na “two different individuals” ito o dalawang magkaibang tao.

Ani Balisong, “in effect” ay wala pang natatanggap na subpoena si Bantag, kaya walang “personality to appear.”

Kanina naman ay pina-receive na ang tamang subpoena at mayroon 10 araw si Bantag para maghain ng counter affidavit.

Dagdag ni Balisong, nagpakita siya sa pagdinig kanina para i-manifest ang kanilang obserbasyon.

Sa pagdinig naman sa December 5 ay maaaaring dumalo si Bantag sa pamamagitan ng “zoom” o videoconferencing.

Nang matanong kung bakit hindi inungkat ni Balisong ang maling middlename nang tanggapin ang subpoena noong Lunes, kanyang sinabi na ang preliminary investigatoon kasi ang tamang panahon at forum para rito.

Samantala, nagsagawa naman ang grupong Timpuyog ti Umili ng isang tradisyunal na sayaw sa harap ng Department of Justice.

Ayon kay Timpuyog ti Umili coordinator Josefa Kopoor, ang Tadek dance ay para ipakita ang kanilang suporta kay Bantag.

Naniniwala si Kapoor na inosente si Bantag sa mga isyung ipinupukol sa kanya.