-- Advertisements --
IMG 20190809 115315
Ex-Senator Rene Saguisag

Sinimulan na ng Department of Justice (DoJ) ang preliminary investigation sa sedition charges laban kay Vice President Leni Robredo at sa 37 iba pang respondents na iniuugnay sa “Project Sodoma” o planong pagpapabagsak kay Pangulong Rodrigo Duterte.

No show ang pangalawang pangulo sa pagdinig pero present naman ang ibang respondents kabilang sina Atty. Chel Diokno, Atty. Erin Tañada, Atty. Neri Colmenares, Atty. Theodore Te, Atty. Florin Hilbay at Father Robert Reyes.

Dumalo rin sina dating Sen. Rene Saguisag na abogado ni Sen. Risa Hontiveros at Atty. Marlon Manuel, legal counsel ni Robredo.

IMG 20190809 115100

Present din si Atty. Larry Gadon, na siyang abogado ni Peter Joemel Advincula o nagpapakilalang si Alyas Bikoy.

Binigyan ng limang araw ang PNP-CIDG para ibigay sa mga respondent ang USB o CD ng “Ang Totoong Narcolist” videos na sinasabing ebidensiya laban sa isinasangkot sa umano’y tangkang destabilisasyon sa kasalukuyang administrasyon.

Itutuloy naman ang preliminary investigation sa Setyembre 6.

Kahapon ay hiniling ng kampo ni Robredo na mabigyan sila ng kopya ng mga dokumento at ebidensiya kaugnay sa sedition charges na isinampa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

Ito ay base sa motion for production of evidence na inihain ng legal counsels ni Robredo sa DoJ.

Nitong nakalipas na linggo hiniling naman ng grupo ng mga sumusuporta sa vice president na agad ibasura ang mga kasong isinampa.

Giit ni Bianca Lacaba, tagapagsalita ng Team Pilipinas na sumuporta sa “Otso Diretso” noong halalan, insulto raw sa demokrasya ng bansa ang pagsasampa ng CIDG ng mga bogus na alegasyon sa bise presidente at ang paggamit pa ng kuwestiyonableng testigo.