-- Advertisements --

Sinopla ng ilang mga top government officials sa Japan ang naging panawagan ni US President Donald Trump na ipagpaliban na ang pagsasagawa ng 2020 Tokyo Olympics bilang pag-iingat sa banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Bago ito, iginiit ni Trump na mas makabubuting i-postpone na lang ang Tokyo Olympics sa susunod na taon kaysa ipagpatuloy ito na wala namang manonood.

“I just can’t see having no people there. In other words, not allowing people,” ani Trump. “Maybe, and this is just my idea, maybe they postpone it for a year.”

Pero ayon kay Japanese Olympic minister Seiko Hashimoto, hindi kailanman ikokonsidera ng International Olympic Committee (IOC) at ng mga organizers ang pagkansela o pagpapaliban sa sporting event.

Determinado rin aniya ang mga Japanese officials na idaos ang ligtas at matiwasay na Olympics batay sa orihinal na schedule sa buwan ng Hulyo.

“The IOC and the organizing committee are not considering cancellation or a postponement — absolutely not at all,” wika ni Hashimoto.

“As best we can — so athletes will have no confusion or uncertainty — we will put in our maximum effort,” dagdag nito.

Una rito, sinabi ni Haruyuki Takahashi, isa sa mga board members ng organizing committee, sakaling hindi mangyari sa takdang petsa ang Olympics, maaaring isagawa na lamang ito matapos ang isa o dalawang taon.

Posible rin aniyang ilabas na ang pasya ukol sa Summer Games bago sumapit ang buwan ng Mayo.

Samantala, nag-usap sa telepono sina Trump at Japanese Prime Minister Abe Shinzo ngayong araw kung saan nagkasundo ang dalawang lider na palalakasin pa ang kooperasyon sa bawat isa sa paglaban sa coronavirus.

Ngunit ayon sa mga Japanese officials, hindi naman daw napag-usapan nina Abe at Trump ang tungkol sa pagpapaliban sa Olympics, maging ang pagtuloy dito kahit walang manonood.